Nagpahayag ng hinaing ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula Sibuyan, Romblon tungkol sa access policy ng OFW Lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos umano siyang makaranas ng aberya sa pagpasok sa pasilidad habang naghihintay ng biyahe pauwi sa probinsya.
Sa isang social media post, ibinahagi ni Remy ang kanyang karanasan matapos umuwi mula Dubai at bumiyahe patungong Batangas bago sumakay ng barko patungong Sibuyan, kung saan wala umanong paliparan.
Ayon kay Remy, hindi niya inaasahan na kailangan ng connecting flight upang makagamit ng OFW Lounge. Matapos ang humigit-kumulang siyam na oras na biyahe mula Dubai, kailangan pa umano niyang bumiyahe patungong Batangas at sumakay ng barko bago makarating sa kanilang isla.
Sinabi rin niya na wala siyang dalang pera habang naghihintay dahil kailangan pa niyang mag-withdraw sa bangko o remittance center, na aniya ay nagbubukas pa kinabukasan ng alas-8 ng umaga.
“Paano naman po sa katulad ko na uuwi ng Sibuyan, Romblon na magba-bus ka muna papuntang Batangas bago ka makapag-book ng ticket pauwi ng Sibuyan, Romblon? Wala po kaming airport sa isla namin,” ani Remy.
Sa isang video na inilabas din online, makikita ang pakikipag-usap ni Remy sa isang airport personnel tungkol sa kanyang pagpasok sa lounge.
“Hindi ko matanggap yung nangyari ngayon dito saken, na parang karapatan mo na ang magmamakaawa para makapasok, ang saklap. Hindi ako nahihiya na magsabi ng karanasan ko dito ngayon, ang daming bakanteng upuan,” ani Remy.
Sinabi rin niyang nais niyang muling tingnan ang polisiya upang maisaalang-alang ang kalagayan ng mga OFW na kailangang bumiyahe pa sa pamamagitan ng bus at barko bago makarating sa kanilang mga probinsya o isla.
Samantala, nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ang OFW Lounge sa NAIA Terminal 3 ay pangunahing nakalaan para sa mga OFW na may departing o connecting flight.
Sa pahayag ng OWWA, batay sa CCTV footage, incident reports at mga pahayag ng mga personnel na naroon, nakapasok naman umano ang naturang OFW sa lounge at natulungan sa registration at luggage.
Ayon sa ahensya, walang connecting domestic flight ang OFW dahil patungo siya sa Romblon sa pamamagitan ng land at sea travel. Gayunman, sinabi ng OWWA na pinayagan siyang makapasok bilang courtesy at sinabihan na maaari siyang manatili sa lounge at kumuha ng pagkain at inumin.
Ipinaliwanag din ng OWWA na para sa mga arriving OFW na nangangailangan ng airport arrival assistance, transportasyon, pagkain o pansamantalang matutuluyan, may OFW Airport Arrival Assistance Desk sa arrival area matapos ang Customs sa NAIA Terminals 1 at 3.
Patuloy namang sinusuri ng OWWA ang insidente gamit ang CCTV footage, service records at mga pahayag ng personnel at witnesses upang matukoy ang buong pangyayari. Sinabi ng ahensya na kung may pagkukulang, itatama ito at ilalabas ang mga beripikadong impormasyon matapos ang pagsusuri.


























