Nanguna si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Assistant Secretary Atty. Norlito Eneran sa isinagawang site visitation at inspeksyon kaugnay ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa Sibuyan Island, Romblon.
Kasabay ng inspeksyon ang isinagawang pampublikong konsultasyon kung saan nagpresenta ang mga kinatawan ng Division of Geo-Mines and Science ng DENR ng teknikal at siyentipikong impormasyon tungkol sa heolohiya ng Sibuyan at sa mining agreement ng APMC.
Sa presentasyon, ipinaliwanag ang geological significance ng Sibuyan Island, kabilang ang pagkakabuo nito mula sa ultramafic rocks na bahagi ng Sibuyan Ophiolite Complex. Ayon sa presentasyon, nagpapakita ito ng kasaysayan at proseso ng pagkakabuo ng oceanic crust at ng kapuluan ng Pilipinas.
Tinalakay rin ang proseso ng pagkahubog ng lateritic soil o pulang lupa na nagmumula sa matagalang weathering at oxidation. Dahil dito, sinabi sa presentasyon na mayaman ang naturang uri ng lupa sa nickel, iron, cobalt, chromite at iba pang kaugnay na mineral.
Ipinresenta rin sa konsultasyon ang mga detalye ng MPSA No. 304-2009-IVB ng APMC.
Saklaw ng MPSA ang 1,580.8010 ektarya sa San Fernando, Sibuyan Island, Romblon. Nakasaad din sa presentasyon na ang kasunduan ay isang Mineral Production Sharing Agreement sa pagitan ng pamahalaan at APMC at kasalukuyang nasa exploration period pa lamang.
Ibinahagi rin sa mga dumalo ang opisyal na timeline ng mga kaganapan kaugnay ng MPSA mula nang maaprubahan ang kontrata noong December 23, 2009, upang magbigay ng konteksto at impormasyon sa mga residente at iba pang stakeholders sa isla.
Ayon sa DENR, bahagi ng pagbisita ni Eneran ang pagsisikap ng ahensya na matiyak ang pagpapatupad ng mga batas pangkapaligiran at ang pagsunod sa mga probisyon ng mga legal na kasunduan sa pagmimina.



































Discussion about this post