Agad na ipinagbawal ng Montenegro Shipping Lines (MSL) ang pagsakay o pagkakarga ng mga electric vehicle (EV) at hybrid electric vehicle (HEV) sa lahat ng kanilang sasakyang-dagat bilang panibagong safety precaution.
Batay sa memorandum na inilabas ng Management, Operations Department at Safety and Quality Assurance (SQA) Department ng MSL noong September 16, 2026, ipinag-utos sa lahat ng vessel master na huwag payagang makasakay o maisakay bilang cargo ang anumang EV o HEV.
Ayon sa memorandum, ipinatupad ang hakbang kasunod ng isang kamakailang insidente sa karagatan kung saan sinabi ng initial investigation na maaaring nagmula sa isang electric vehicle ang pagsabog.
Layunin ng kumpanya na magsilbing preventive safety measure ang pagbabawal upang mabawasan ang panganib ng sunog, pagsabog, thermal runaway at iba pang posibleng panganib na maaaring maiugnay sa mga baterya ng electric at hybrid vehicles habang nasa biyahe ang mga sasakyang-dagat.
Inatasan din ang mga vessel master na tiyaking walang electric o hybrid vehicle ang tatanggapin para sa boarding o cargo carriage at makipag-ugnayan sa Operations Department, terminal, ticketing, loading at cargo personnel para sa mahigpit na pagpapatupad ng direktiba.
Kailangang maayos ding matukoy at masuri ang mga sasakyang isasakay bago ang boarding. Anumang tangkang pagsakay o pagkakarga ng electric o hybrid vehicle ay dapat agad iulat sa Operations Department at SQA Department.
Mananatili ang direktiba hanggang sa magkaroon ng karagdagang abiso o maglabas ang management ng revised instruction.
Binigyang-diin ng Montenegro Shipping Lines na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan at proteksiyon ng mga pasahero, crew, barko at cargo, at hinimok ang mga kinauukulang personnel na maging mapagbantay at mahigpit na sumunod sa bagong patakaran.



































Discussion about this post