Pinasinayaan at binasbasan ng Department of Education (DepEd) Romblon ang bagong San Jose District Satellite Office sa bayan ng San Jose sa Isla de Carabao upang mailapit ang serbisyo ng kagawaran sa mga paaralan at komunidad sa isla.
Ayon kay DepEd Romblon Schools Division Superintendent Roger Capa, kabilang ang Isla de Carabao sa mga pinakamalayong isla mula sa kanilang Division Office kaya isinulong ang pagtatatag ng satellite office upang mas mapadali ang access sa serbisyo para sa mga school heads, guro, mag-aaral at iba pang stakeholders.
Naisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng inisyatiba ni Public Schools District Supervisor (PSDS) Jose Garcia, na nagsulong sa matagal nang hangarin na magkaroon ng satellite office sa isla.
Wala umanong ginastos ang pamahalaan sa pagpapatayo nito. Sa halip, naitayo ang satellite office sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba't ibang sektor, kabilang ang donasyon ni Congressman Eleandro “Budoy” Madrona, na kinatawan sa aktibidad ni COS Denon Madrona.
Sinuportahan din ang proyekto ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Ronnie Samson, gayundin ng mga Parent-Teacher Association (PTA), school heads, guro at iba pang stakeholders na nag-ambag sa pagpapatayo ng tanggapan.
Sinabi ni Capa na higit pa sa isang gusali ang ipinakilala sa pagbubukas ng satellite office, dahil nagsisilbi rin itong mas malapit na daan upang maihatid ang mga serbisyo ng DepEd sa mga “Capamilya” nito sa Isla de Carabao.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang SDS sa lahat ng naging bahagi ng proyekto, partikular kay Congressman Budoy Madrona at sa mga indibidwal at grupong nagpaabot ng suporta para maisakatuparan ang satellite office.
Sa pagkakaroon ng bagong tanggapan, inaasahang mas mapapalapit ang mga serbisyo at koordinasyon ng DepEd sa mga paaralan at education stakeholders sa San Jose, lalo na sa mga pangangailangang nangangailangan ng agarang pakikipag-ugnayan sa Schools Division Office.



































Discussion about this post