Naramdaman sa iba't ibang bahagi ng Romblon ang magnitude 5.4 na tectonic earthquake na tumama sa Claveria, Masbate bandang 8:54 ng umaga nitong July 13, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Bilang pag-iingat, pansamantalang lumikas ang mga empleyado ng ilang tanggapan ng pamahalaan at mga estudyante sa ilang paaralan habang nagsagawa ng inspeksyon sa mga gusali. Wala namang naitalang malaking pinsala o nasugatan sa lalawigan.
Naitala ang episentro ng lindol sa 26 kilometro timog-kanluran ng Claveria, Masbate na may lalim na anim na kilometro. Naitala naman ang Instrumental Intensity I sa bayan ng Odiongan.
Sa Magdiwang, agad na nagsagawa ng evacuation ang mga opisyal at kawani ng pamahalaang bayan bilang pagsunod sa earthquake safety protocol. Matapos ang paglikas, nagsagawa rin ang lokal na pamahalaan ng paunang assessment upang matiyak na ligtas ang mga gusali at iba pang pasilidad ng munisipyo.
Samantala, ipinag-utos naman ni Cajidiocan Mayor Marvin Ramos ang agarang inspeksyon sa lahat ng gusali ng pamahalaan at mga paaralan upang matukoy kung may anumang pinsalang dulot ng pagyanig at matiyak ang kaligtasan ng mga gumagamit ng mga pasilidad.
Sa kasalukuyan, wala pang naiuulat na malaking pinsala o nasugatan sa alinmang bahagi ng lalawigan kaugnay ng lindol.
Patuloy namang pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling kalmado, maging handa sa posibleng aftershocks, at sundin ang mga abiso ng PHIVOLCS at ng mga lokal na pamahalaan.



































Discussion about this post