Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at iba pang ahensya ang isang lalaki na suspek sa panggagahasa sa sariling anak matapos itong magtangkang tumakas sakay ng barko patungong Lucena City noong Linggo, Enero 25, sa Pier ng Romblon, Romblon.
Ayon sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station (MPS), bandang alas-12:10 ng tanghali nang magsagawa ng manhunt operation ang kanilang mga tauhan sa pamumuno ni PCPT Mary Jade M. Gaca, OIC ng Cajidiocan MPS, kaugnay ng reklamo ng isang 11-anyos na batang babae mula sa Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon.
Isinumbong ng biktima, sa tulong ng isang opisyal ng barangay, na paulit-ulit umano siyang ginahasa ng sarili niyang ama habang sila lamang ang magkasama sa kanilang bahay at tinakot pang papatayin sakaling isiwalat ang sinapit.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman ng pulisya na nakasakay na ang suspek sa isang barko ng Starhorse Shipping Lines patungong Lucena City bilang paraan upang makaiwas sa batas. Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang Cajidiocan MPS sa Romblon MPS, Philippine Coast Guard, Port Police, at Romblon Provincial Police Office para sa agarang pagdakip sa suspek.
Pagdating ng barko sa Pier ng Romblon bandang alas-1:30 ng hapon, pinababa ng composite team ang lahat ng pasahero upang isagawa ang masusing paghahanap. Maging ang mga driver at pahinante ng mga trak na sakay ng barko ay isa-isang sinuri.
Sa gitna ng inspeksyon, namataan ang suspek na nagtatago sa ilalim ng isang delivery truck. Dahil sa pagod, napilitan umano itong ibaba ang kanyang paa upang magpahinga, dahilan upang siya ay makita ng mga awtoridad at agad na maaresto.
Ang suspek ay dinala sa Romblon MPS bago ilipat sa kustodiya ng Cajidiocan MPS para sa kaukulang disposisyon. Isinailalim siya sa inquest proceedings kung saan ini-waive niya ang kanyang karapatan sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code.
Sa panayam ng Public Attorney’s Office, itinanggi umano ng suspek ang paratang na maraming beses niyang ginahasa ang kanyang anak at inamin lamang ang isang insidente. Patuloy namang iniimbestigahan ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Cajidiocan MPS ang kaso.


































