Arestado ang isang security guard matapos nitong saksakin umano ang tatlong indibiduwal, kabilang ang isang 22-anyos na estudyante, sa Freedom Park sa bayan ng Romblon madaling araw ng Linggo.
Batay sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, naganap ang insidente habang nakapila ang suspek at isa sa mga biktima sa labas ng isang comfort room matapos makisaya sa Biniray Festival. Habang nasa pila, nagkaroon umano ng pagtatalo hanggang sa magalit ang security guard at hamunin ng suntukan ang 22-anyos na estudyante.
Ayon sa pulisya, lalo pang uminit ang ulo ng suspek na nagresulta sa pagbabasag nito ng bote at pananaksak sa biktima, na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dalawa pang indibiduwal, isang 24-anyos na lalaki at isang 25-anyos na babae, ang nagtangkang umawat sa kaguluhan ngunit sila rin ay nasugatan matapos saksakin ng suspek.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at tinangkang pakalmahin ang suspek, subalit pansamantala itong nakatakas. Isinugod naman sa Romblon District Hospital ang mga biktima para sa agarang gamutan.
Makaraan ang halos isang oras na manhunt operation, naaresto rin ang suspek ng mga awtoridad. Patuloy namang nagpapagaling ang mga biktima habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek.


































