Kinatawan ng Pilipinas ang Romblomanon environmentalist na si Rodne Galicha sa prestihiyosong Global Ethical Stocktake (GES) na ginanap kamakailan upang talakayin ang makatao at makakalikasan na solusyon sa krisis sa klima.
Kasama ni Galicha sa diyalogo sina Brazilian Environment and Climate Minister Marina Silva, COP30 President André Corrêa do Lago, at Nobel Peace Laureate Kailash Satyarthi ng India. Isa siya sa 18 Asian leaders na inimbitahan ng pamahalaan ng Brazil para sa Asian GES, bahagi ng serye ng pandaigdigang konsultasyon na inihahanda bilang preparasyon sa COP30 na gaganapin sa Belém, Brazil.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Galicha ang papel ng mga katutubo at maliliit na pamayanan sa pangangalaga ng kalikasan, pati na ang karanasan ng Pilipinas sa harap ng mga kalamidad at banta ng pagmimina. Inalala niya ang matagumpay na pagtutol ng mga residente ng Sibuyan laban sa planong pagmimina ng nikel noong 2023, kung saan nagbarricade sila gamit lamang ang kawayan upang hadlangan ang operasyon.
Ibinahagi rin ni Galicha ang konsepto ng “Katumbalikwasan”, isang salitang binuo mula sa wikang Filipino na nangangahulugang sama-samang pagtindig, pagbangon, at pag-angkop sa gitna ng krisis. Aniya, ito ay gabay tungo sa mas inklusibo, makatarungan, at makataong aksyon laban sa pagbabago ng klima.
Dagdag pa niya, ang Pilipinas at iba pang maliliit na isla ay patuloy na nagdurusa sa matitinding bagyo, pagbaha, at pagtaas ng dagat kahit napakaliit lamang ng kontribusyon ng bansa sa global carbon emissions. “Hindi tayo maaaring habambuhay na mag-adapt lamang. Hindi tayo puwedeng laging lumangoy sa baha, tumakbo palayo sa bagyo, at muling bumangon sa pagkasira,” ani Galicha.
Magiging ika-10 pagkakataon na ni Galicha ang pagdalo sa Conference of Parties (COP) pagdating ng COP30 sa Belém. Para sa kanya, ito ay simbolo ng pag-asa at panawagan na magkaisa ang mga bansa upang wakasan ang kawalang-katarungan at bigyang boses ang mga pamayanang pinakaapektado ng krisis sa klima.


































