Pormal na itinalaga si Eden Roña Oracion bilang bagong Municipal Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng Bayan ng San Fernando, Romblon kapalit ni Celedonio Tamayo. Ginanap ang aktuwal na proseso ng pagpili kahapon, November 10, sa ikaapat na palapag ng New Municipal Building, Poblacion, San Fernando, Romblon.
Naging bahagi ng aktibidad ang mga talakayan hinggil sa mga alituntunin, mekanismo, at proseso ng pagpili ng Municipal IPMR upang matiyak ang maayos na representasyon ng mga katutubo sa lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga nanguna sa paggabay si NCIP Ethnographic Commissioner Dr. Alex Centena kasama si Provincial IPMR Irene Roa at iba pang opisyal ng NCIP.
Inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang pagkakapili kay Oracion upang higit na mapalakas ang boses at partisipasyon ng mga katutubo sa mga usaping may kinalaman sa pamamahala, gayundin sa pangangalaga ng kanilang mga karapatan, tradisyon, at kultura.


























