Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong talagang non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) Romblon sa isinagawang Orientation and Oath-Taking Ceremony, na nagmarka sa pagsisimula ng kanilang panibagong yugto ng paglilingkod sa sektor ng edukasyon.
Kabilang dito ang 33 project development officers, 66 administrative officers at 26 school counselor associates.
Binigyang-pagkilala ang mga bagong kawani na magiging bahagi ng patuloy na paghahatid ng serbisyo ng DepEd sa lalawigan, kasabay ng kanilang pormal na pagtanggap sa mga responsibilidad na kaakibat ng kanilang pagkakatalaga.
Ayon kay Schools Division Supt. Roger Capa, ipinaalala sa mga bagong personnel na ang kanilang appointment ay hindi lamang isang biyaya at pagkilala sa kanilang kakayahan kundi isang mahalagang pananagutan na nangangailangan ng dedikasyon, integridad at malasakit sa paglilingkod.
Binigyang-diin din ng tanggapan na bagama't hindi direktang nagtuturo sa loob ng silid-aralan ang mga non-teaching personnel, hindi nangangahulugang hindi gaanong mahalaga ang kanilang papel sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon.
Malaki ang kanilang ginagampanan sa pagsuporta sa mga guro upang mas maging maayos at epektibo ang kanilang pagtuturo, gayundin sa pagtiyak na maayos na naipatutupad ang mga programa, proseso at serbisyong kinakailangan ng mga paaralan at ng buong kagawaran.


























