Pinag-aaralan ng Romblon State University (RSU) ang posibilidad na palawakin ang mga programang pang-akademiko nito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng Nursing, Medical Technology, Medical Assisting at iba pang kursong may kaugnayan sa larangan ng medisina.
Ito ang ibinahagi ni Denon Madrona Jr., Chief of Staff ni Congressman Budoy Madrona, kasunod ng mga ulat sa kanya ng pamantasan sa mga ginaganap na Board of Regents meeting.
“Magkakaroon po tayo ng additional courses sa Nursing. Magkakaroon po tayo ng medical-related courses like Nursing nga, Medical Technology, Medical Assistants, at iba pa,” pahayag ni Madrona.
Ayon sa kanya, napapanahon ang naturang plano dahil inaasahan ding mapalawak ang kakayahan ng ospital sa lalawigan sa mga susunod na panahon sa ilalim ng direktang pangangasiwa ng Department of Health (DOH).
Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kursong pangkalusugan, mas maraming estudyante ang magkakaroon ng pagkakataong makapagtapos ng pag-aaral sa larangan ng medisina at makapaghanda para sa mga trabahong may kaugnayan sa serbisyong pangkalusugan.
Inaasahan ding makatutulong ang hakbang na ito sa paghahanda ng karagdagang nurses, medical technologists at iba pang health professionals na maaaring maglingkod sa Romblon.
Bahagi ito ng mga pagsisikap na maiugnay ang pagpapalawak ng mga oportunidad sa edukasyon sa pangangailangan ng lalawigan para sa mas mahusay at mas malawak na serbisyong medikal.


























