Naghahanda na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon para sa posibleng epekto ng inaasahang “super El Niño” sa bansa, partikular sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Provincial Agriculturist Relly Diokno, nakatakdang magsagawa ang kanilang tanggapan ng mga teknikal na pagpupulong sa bawat munisipalidad upang talakayin ang mga hakbang sa paghahanda at magbigay ng impormasyon sa mga magsasaka tungkol sa posibleng epekto ng El Niño.
Kabilang sa mga hakbang ang pamamahagi ng mga binhi ng monggo at mais mula sa Department of Agriculture (DA) upang maitanim ng mga magsasaka matapos ang pag-aani ng palay.
Ipinaliwanag ni Diokno na hindi nangangailangan ng maraming tubig ang mga pananim na ito, kaya maaari silang magsilbing alternatibong pananim sa panahon ng kakulangan ng tubig.
“After mag-harvest ng palay, hindi na nila kailangang araruhin dahil iba na muna ang itatanim nila kasi hindi ito kailangan ng maraming tubig. At least pag dumating man ’yung ‘super El Niño,’ meron pa ring gulay kahit papaano,” ani Diokno.
Kasabay ng mga pagpupulong at pamamahagi ng binhi ang pagsasagawa ng information dissemination upang gabayan ang mga magsasaka sa paghahanda sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot.
Pinapayuhan din ang mga magsasaka na maghanda ng mga imbakan ng tubig upang may magamit silang suplay sakaling maranasan na ang epekto ng El Niño.
Ayon kay Diokno, bukod sa mga binhing ipinagkaloob ng DA, maglalaan din ng pondo ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa mga hakbang na tutugon sa posibleng epekto ng “super El Niño” sa mga magsasaka sa lalawigan.
Batay sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration noong Setyembre 23, inaasahang magdudulot ang El Niño ng mas mataas na temperatura at mas mababang antas ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa. Inaasahan ding magiging pinakamatingkad ang epekto nito mula Oktubre hanggang Disyembre 2026, bagama’t maaaring mag-iba ang epekto depende sa lugar.

























