Nakatanggap ng ₱100,000 cash gift si Genaro Roa, residente ng Barangay Camabalo, Cajidiocan, matapos umabot sa edad na 100 taon sa ilalim ng Expanded Centenarians Act Program ng pamahalaan.
Bahagi ang pagkakaloob ng tulong sa ikaapat na wave ng cash gift distribution na isinagawa ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) MIMAROPA Region sa ilalim ng Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarians Act.
Sa kabuuan, 61 senior citizen sa Cajidiocan ang nakatanggap ng cash gift para sa taong 2024, 2025 at 2026. Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga octogenarian, nonagenarian at dalawang centenarian.
Isinagawa ang pamamahagi sa pakikipagtulungan nina NCSC Project Development Officer II Iara Panganiban Tejada, Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) Head Elna Rey, Social Welfare Assistant Michelle Ruallo, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) support staff Protacia Sevilla at DSWD staff Arlyn Male.
Nagsagawa rin ang mga kawani ng door-to-door distribution upang maihatid ang cash gift sa mga kwalipikadong benepisyaryo mula Barangay Cantagda hanggang Barangay Cambijang.
Sa ilalim ng Expanded Centenarians Act, pinagkakalooban ng cash gift ang mga kwalipikadong senior citizen na umabot sa itinakdang edad bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay.


























