Muling iginiit ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang patuloy niyang pagbibigay-prayoridad sa edukasyon sa lalawigan sa pagdaraos ng Stakeholders’ Convergence, PTA Assembly and Induction of District and Federated Officers, at State of the Division Address (SODA) 2026 ng Department of Education (DepEd) Division of Romblon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Madrona na nananatiling pangunahing adhikain niya ang pagsusulong ng edukasyon mula nang magsimula ang kanyang panunungkulan.
Kabilang sa mga binanggit na palatandaan ng pag-unlad sa sektor ng edukasyon ang pagkakabilang ng DepEd Division of Romblon sa may pinakamataas na literacy rate sa MIMAROPA at sa top three sa pambansang antas.
Binanggit din ang mga estudyante ng Romblon State University (RSU) na nakapapasok sa top 10 ng iba't ibang licensure examination, gayundin ang mataas na passing rate ng mga kumuha ng mga pagsusulit. Karamihan sa mga estudyante ng unibersidad ay nagmula sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan.
Nagpaabot din si Madrona ng pagbati sa mga kawani ng DepEd, Provincial Government, mga lokal na pamahalaan at Parents-Teachers Association (PTA) sa kanilang pakikilahok sa mga programa para sa kapakanan ng mga kabataang Romblomanon.
Muling tiniyak ng kongresista ang kanyang suporta sa mga programa sa edukasyon at sa pagpapalakas ng ugnayan ng mga katuwang na sektor upang maisulong ang kapakanan ng mga mag-aaral sa Romblon.


























