Ginamit ng Barangay Mabini sa bayan ng San Andres ang bahagi ng natanggap nitong pondo sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) upang makabili ng mga kagamitang magagamit sa operasyon at mga programa ng barangay.
Ayon kay Barangay Captain Isaac Vicente, kabilang sa mga binili ng barangay gamit ang ₱100,000 na inilaan para sa mga prayoridad na pangangailangan ng komunidad ang isang laptop, printer at projector.
“Yung natanggap naming ₱100,000 ay ibinili namin ng laptop, printer at projector. Napakahalaga na mayroon nito kasi magagamit namin ito sa tamang paggamit kapag may mga programa,” ani Vicente.
Ang pondo ay bahagi ng Bawat Barangay Makikinabang Program, kung saan bawat barangay ay tumatanggap ng ₱200,000 mula sa Office of the President sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund. Ang kalahati o ₱100,000 ay maaaring gamitin para sa mga prayoridad na pangangailangan ng barangay, kabilang ang pagbili ng public service at office equipment, kagamitan para sa disaster risk reduction and management, at iba pang pangangailangan ng komunidad.
Samantala, ang natitirang ₱100,000 ay inilaan para sa Bagong Pilipinas Barangay Scholars Program, kung saan limang kwalipikadong mag-aaral mula sa bawat barangay ang maaaring makatanggap ng tig-₱20,000 na tulong pinansyal o “Finisher Fund” upang makatulong sa pagtatapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Sa ilalim ng programa, prayoridad ang mga kwalipikadong mag-aaral na kabilang sa mga vulnerable household at nanganganib na hindi matapos ang kanilang pag-aaral dahil sa kakulangan sa pinansyal na suporta.
Nagpasalamat naman si Vicente sa pagkakaloob ng pondo, na aniya ay nakatulong upang madagdagan ang mga kagamitan ng kanilang tanggapan.
“Sa ating Pangulo, nagpapasalamat kami dahil binigyan kami ng kagamitan sa opisina. Napakalaking tulong at napakalaking bagay na meron kaming karagdagang kagamitan sa opisina,” aniya.
Sa pamamagitan ng SCPF, layunin ng programa na sabay na matugunan ang mga pangangailangan ng mga barangay sa pagpapabuti ng serbisyo publiko at mabigyan ng tulong ang mga mag-aaral na nangangailangan ng suporta upang matapos ang kanilang pag-aaral.



































Discussion about this post