Tumanggap ng training allowance ang Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Romblon District Jail noong Abril 6 sa ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP) ng Technical Education and Skills Development Authority.
Ang STEP ay nagbibigay ng libreng skills training na layong mapahusay ang kakayahan sa trabaho at kabuhayan ng mga kalahok.
Sa kasalukuyan, naka-enroll ang mga PDL sa kursong Masonry NC II kung saan tinuturuan sila ng praktikal na kasanayan sa masonry bilang paghahanda sa posibleng trabaho matapos ang kanilang paglaya.
Personal na ipinamahagi ni Arjie Romero mula TESDA Romblon ang stipend sa mga PDL trainees.
Ayon sa TESDA, ang allowance ay nagsisilbing suporta habang sumasailalim sa pagsasanay ang mga kalahok.
Ang programa ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Romblon District Jail at TESDA bilang bahagi ng mga inisyatiba para sa rehabilitasyon at skills development ng mga PDL at paghahanda sa kanilang reintegrasyon sa komunidad.


































