Dinadagsa ngayon ng mga bisita at residente ang Romblon Art Gallery bilang isa sa mga pasyalan para sa mga nais makilala at masariwa ang kasaysayan at kultura ng lalawigan ng Romblon.
Matatagpuan sa Barangay Sawang, tampok sa gallery ang iba’t ibang obra na nagpapakita ng tradisyon, kultura, at pamumuhay ng mga Romblomanon.
Kabilang sa mga naka-display sa gallery ang mga paintings, sculptures, at murals na naglalarawan ng makasaysayang tagpo, kultura, at pang-araw-araw na buhay sa probinsya.
Karamihan sa mga obra na matatagpuan dito ay likha ng yumaong Romblomanon artist na si Charles Montojo, na kilala sa kanyang mga likhang-sining na nagpapakita ng identidad at kasaysayan ng Romblon.
Sa pamamagitan ng kanyang mga obra, naipapakita ang mayamang pamana ng lalawigan, mula sa tradisyon, pananampalataya, hanggang sa mga pangyayaring humubog sa kasaysayan ng probinsya.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-395 Founding Anniversary ng bayan ng Romblon, bukas sa publiko ang Romblon Art Gallery sa buong linggo upang mabigyan ng pagkakataon ang mga residente at turista na maranasan ang pagsasanib ng sining, kasaysayan, at kultura sa iisang lugar.
Umaasa ang mga tagapangasiwa ng gallery na mas maraming mamamayan at turista ang bibisita sa lugar upang higit pang makilala at mapahalagahan ang sining at kasaysayan ng Romblon.


































