Inaprubahan na sa antas ng komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagdedeklara sa Hundred Islands National Park bilang isang tourism zone.
Inilabas ni House Committee on Tourism Chairman Eleandro Jesus Madrona ang Committee Report No. 126 na nag-aapruba sa House Bill (HB) 8037 o “Declaration of Hundred Islands National Park as Tourism Zone.” Kapwa niya inakda ang panukala kasama si Arthur Celeste.
Layunin nitong magkaroon ng malinaw at komprehensibong batas na magtatakda sa parke bilang tourism zone sa ilalim ng Kongreso.
Kapag naisabatas, magkakaroon ng ganap na pamamahala ang City Government ng Alaminos sa parke. Itatatag din ang Hundred Islands National Park Management Board sa loob ng isang taon, kung saan magsisilbing chairperson ang alkalde ng Alaminos at vice chairperson ang kinatawan ng Department of Tourism.
Ayon sa panukala, lahat ng kita at koleksyon mula sa parke ay idedeposito sa treasury ng lungsod at gagamitin para sa pamamahala, pangangalaga, operasyon at patuloy na pagpapaunlad ng Hundred Islands bilang pangunahing destinasyon ng turismo sa bansa.
































