Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang opisyal na pagtatapos ng northeast monsoon o amihan, hudyat ng pagsisimula ng mas mainit at mas tuyong panahon sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa weather bureau, inaasahang makararanas ang publiko ng mas mainit at maalinsangang panahon, mas kaunting pag-ulan, at pagtaas ng temperatura sa mga susunod na linggo. Gayunman, may ilang bahagi ng Northern Luzon na maaari pa ring makaranas ng paminsan-minsang northeasterly winds.
Ipinaliwanag ng PAGASA na ang pagbabago ng direksyon ng hangin mula northeasterly patungong easterly bunsod ng high-pressure area sa Northwestern Pacific ang senyales ng pagtatapos ng amihan at simula ng warm and dry season.
Sa isinagawang press conference kasabay ng pagdiriwang ng National Meteorological Day, sinabi ng PAGASA na posibleng umabot sa 40 degrees Celsius ang maximum temperature sa Northern Luzon sa loob ng susunod na dalawang buwan.
Batay rin sa two-month forecast ng ahensya, inaasahang makakaranas ng 11 hanggang 20 dry days ang karamihan sa mga probinsya sa Abril, lalo na sa Northern at Central Luzon. Mas magiging tuyo pa ang panahon sa Mayo, kung saan posibleng umabot sa 21 hanggang 35 dry days ang ilang lugar sa extreme Northern Luzon kabilang ang Ilocos Norte, Apayao, at Cagayan.
Ipinunto ng PAGASA na ang dry day ay tumutukoy sa araw na may mas mababa sa 1 millimeter na naitalang ulan.
Bagama’t inaasahan pa rin ang near-normal rainfall sa maraming bahagi ng bansa mula Abril hanggang Mayo, hindi inaalis ng ahensya ang posibilidad ng pagbaba ng water levels sa mga imbakan ng tubig tulad ng mga dam.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na mag-ingat laban sa heat stress at magtipid sa paggamit ng tubig sa araw-araw.


































