Nakiisa ang mga pet owners sa bayan ng Odiongan, Romblon sa isinagawang Nationwide Simultaneous Anti-Rabies Vaccination Drive bilang bahagi ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month tuwing buwan ng Marso.
Sa loob ng dalawang oras na operasyon na ginanap sa Dapawan Covered Court, umabot sa kabuuang 74 na alagang hayop ang nabigyan ng libreng bakuna laban sa rabies, kabilang ang 62 aso at 12 pusa.
Pinangunahan ang aktibidad ng Municipal Agriculture Office katuwang ang Barangay Council ng Dapawan, bilang bahagi ng kampanyang “Alagang Bakunado, Pamilyang Protektado.” Layunin ng programa na mapangalagaan ang kalusugan ng mga alagang hayop at ang kaligtasan ng komunidad laban sa rabies.
Isinagawa ang vaccination drive sa ilalim ng temang “Rabies-Free na Pusa’t Aso, Kaligtasan ng Pamilyang Pilipino,” na naglalayong palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa pagbabakuna sa mga alagang hayop.
Ayon sa mga organizer, naging maayos ang daloy ng pagbabakuna dahil sa pakikilahok ng mga pet owners.


































