Tinanggal na ang lahat ng tropical cyclone wind signals sa lalawigan ng Romblon matapos humina ang Bagyong Basyang at maging isa na lamang tropical depression, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Sa Tropical Cyclone Bulletin No. 21 na inilabas alas-11:00 ng gabi ng Pebrero 6, iniulat ng PAGASA na ang sentro ng Tropical Depression Basyang ay namataan sa paligid ng Ayungon, Negros Oriental. Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 60 kilometro kada oras.
Ayon sa ahensya, patuloy pang hihina ang bagyo at inaasahang magiging low pressure area sa loob ng susunod na 12 oras habang kumikilos pa-kanlurang hilagang-kanluran.
Gayunman, pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na maaari pa ring makaranas ng pag-ulan at pagbugso ng hangin dulot ng amihan at natitirang epekto ng bagyo, lalo na sa mga baybaying lugar at matataas na lugar na exposed sa hangin.
Sa forecast ng ahensya, inaasahang makararanas ng katamtamang alon na hanggang dalawang metro ang taas sa mga karagatang sakop ng Romblon, kaya pinapayuhan ang maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat sa paglalayag.

































Discussion about this post