Binuksan na sa bayan ng Odiongan, Romblon ang bagong opisina ng Romblon Provincial Cyber Response Team ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) upang mas mapabilis ang pagtugon ng kapulisan sa mga kasong may kaugnayan sa cybercrime sa lalawigan.
Matatagpuan ang nasabing opisina sa Sub-Office ng Pamahalaang Panlalawigan at inaasahang magsisilbing sentrong tanggapan sa paghawak at pag-imbestiga ng mga insidente ng krimen sa digital na espasyo, kasabay ng patuloy na pag-unlad ng paggamit ng teknolohiya sa probinsya.
Kabilang sa mga kasong maaaring idulog sa PNP-ACG ang online scams, identity theft, at iba pang uri ng krimeng may kinalaman sa internet at digital platforms.
Ayon kay Governor Trina Firmalo-Fabic, malaking tulong ang pagbubukas ng nasabing opisina sa pagpapalakas ng kakayahan ng lalawigan na tugunan ang mga banta sa online na komunidad. Pinasalamatan din niya ang PNP-ACG MIMAROPA sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan upang maisulong ang ligtas at responsableng paggamit ng teknolohiya sa Romblon.
Personal ring dumalo sa pagpapasinaya ng bagong opisina si Police Col. Alex Dela Cerna, hepe ng Regional Anti- Cybercrime Unit sa MIMAROPA.


































