Posibleng magkaroon ng mas mabilis at direktang biyahe ang mga pasahero at kalakal papuntang Sibale Island matapos magpahayag ng interes ang Philippine Association of Coastal and Inland Water Ferries, Inc. (PACIWFI) na i-rehabilitate at paandarin muli ang Pili Port sa bayang ito sa pamamagitan ng joint venture kasama ang lokal na pamahalaan.
Kapag naging operational, target ng proyekto na magsilbing southern gateway ng Oriental Mindoro ang pantalan patungo sa mga lalawigan ng Romblon at Marinduque.
Mahigpit na nakatuon ang proyekto sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan ng Pinamalayan at ng bayan ng Concepcion sa Sibale Island, Romblon.
Ayon kay Concepcion Mayor Nicon F. Fameronag, matagal nang nakikita ng kanilang pamahalaang bayan ang potensiyal ng Pili Port bilang direktang tulay ng kalakalan at biyahe sa pagitan ng Mindoro at Romblon.
Kapag nabuhay ang pantalan, inaasahang mababawasan ang travel time ng mga pasahero at kargamento, bababa ang gastos sa logistics, at mas lalakas ang galaw ng mga produkto at turismo sa magkabilang panig ng dagat.
Kaugnay nito, nagsagawa ng ocular inspection sina Pinamalayan Mayor Rodel Magsino at Mayor Fameronag kasama ang mga kinatawan ng maritime sector upang suriin ang kasalukuyang kondisyon ng pantalan at ang posibilidad ng rehabilitasyon nito.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng proyekto na maghatid ng pangmatagalang benepisyo sa mga residente at magbukas ng bagong oportunidad sa agrikultura, pangingisda, maritime services, at turismo sa Silangang Mindoro at sa lalawigan ng Romblon.
Sa kasalukuyan, sa Recodo Port sa Poblacion ng Pinamalayan sumasakay ng pumpboat ang mga pasahero patungong Sibale Island.

































Discussion about this post