Target nang simulan ang pagsesemento sa kalsadang nagkokonekta sa Barangay Mat-i sa bayan ng Santa Fe at Barangay Agojo sa Looc matapos mabigyan ito ng halos ₱50 milyong pondo ng pamahalaan ngayong taon sa ilalim ng Department of Public Works and Highways.
Kamakailan ay personal na binisita ni Congressman Eleandro Madrona, kasama ang mga tauhan ng DPWH, ang naturang kalsada upang alamin ang aktuwal na kalagayan nito at ang plano ng ahensya para sa proyekto.
Sa panayam ng Romblon News Network, sinabi ng kongresista na ang proyekto ay magdurugtong sa bagong sementadong kalsada sa Barangay Agojo bilang tugon sa matagal nang kahilingan ng mga residente para sa mas maayos na akses sa kanilang lugar.
Paliwanag ni Madrona, nauna nang natapos ang pagsesemento sa bahagi ng Barangay Agojo kaya mas madali na itong marating ng mga sasakyan kumpara noon na bangka lamang ang pangunahing paraan upang makarating sa barangay.
Ayon pa sa kanya, ginawan ng paraan ng kanyang tanggapan, katuwang ang DPWH, na mabigyan ng pondo ang kalsada kahit ito ay classified bilang provincial road, upang mapabilis ang pagpapatupad ng proyekto.
Inaasahan na kapag natapos ang pagsesemento, mas mapapadali ang biyahe ng mga residente, mapapababa ang gastos sa transportasyon, at mas mapapalakas ang kalakalan at serbisyo sa mga karatig-barangay sa Santa Fe at Looc.

































Discussion about this post