Kasabay ng pagdiriwang ng ika-30 taong anibersaryo ng Mt. Guiting-Guiting Natural Park, muling binuksan sa publiko ang sikat na Mt. Guiting-Guiting sa Sibuyan Island matapos ang ilang buwang pagsasara, kasunod ng isang trahedya na ikinamatay ng isang mountaineer.
Ang desisyon na muling buksan ang bundok ay napagkasunduan sa pagpupulong ng DENR Protected Area Management Board noong Pebrero 19 sa Sibuyan.
Bagamat muling bubuksan ang Mt. Guiting-Guiting, ipatutupad ng mga lokal na pamahalaan ang mga bagong hakbang na kailangang sundin bago makakuha ng permit sa pag-akyat.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng Basic Mountaineering Course (BMC) certificate o first aid training, pagkumpleto ng dalawang major climbs sa nakaraang anim na buwan, pagkuha ng permiso mula sa lokal na istasyon ng pulis, at pag-secure ng medical certificate mula sa Sibuyan, na kailangang kunin isang araw bago ang pag-akyat. Kinakailangan din ang pagrerehistro sa opisina ng turismo sa punto ng pagpasok.
Samantala, nagsagawa na ng mga pagsasanay ang mga guides at porter ng Mt. Guiting-Guiting Natural Park hinggil sa Mountain Rescue Training, upang maging handa sa mga posibleng insidente at matiyak ang kaligtasan ng mga climbers.

































Discussion about this post