Aabot sa mahigit 1,000 indibidwal sa lalawigan ng Romblon ang inaasahang makikinabang sa ikalawang taon ng pagpapatupad ng Tara, Basa! Tutoring Program matapos lumagda sa memorandum of agreement ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Romblon State University (RSU), at pamahalaang panlalawigan nitong February 12.
Kabilang sa mga makikinabang ang tinatayang 500 mag-aaral sa elementarya, 500 magulang, 100 college student tutors, at 50 youth development workers.
Isinagawa ang paglagda ng kasunduan sa RSU sa bayan ng Odiongan, kung saan naging saksi si DSWD Undersecretary for Innovations and Program Development Group Edu Punay.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang suporta sa mga college students na magsisilbing tutors habang pinahuhusay ang kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa pampublikong elementarya, lalo na sa mga geographically isolated at disadvantaged areas.
Ang Tara, Basa! Tutoring Program ay isa sa mga flagship program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatuon sa pagtugon sa learning gaps, partikular sa pagbasa, ng mga batang mag-aaral. Pinagsasama nito ang literacy sessions para sa mga bata, capacity-building para sa mga magulang, at short-term employment para sa college students at youth workers sa pamamagitan ng cash-for-work scheme.
Ayon kay Punay, pinalawak ang programa sa lalawigan dahil sa matagumpay na implementasyon nito sa unang yugto, kung saan nakinabang ang mga indigent college students, batang nahihirapan sa pagbasa, at kanilang mga magulang.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng pinansyal na tulong ang student tutors at youth development workers mula sa DSWD bilang bahagi ng cash-for-work component. Samantala, sasailalim sa mga sesyon ang mga magulang tungkol sa epektibong pag-aaruga, literacy support sa bahay, at iba pang development topics upang mapanatili ang pag-unlad ng kanilang mga anak.
Sinabi naman ni Governor Trina Firmalo-Fabic na nakita ang pagtaas ng reading comprehension at test scores ng mga mag-aaral sa mga lugar kung saan naipatupad na ang programa.
Ipapatupad ang Tara, Basa! Tutoring Program sa mga bayan ng Odiongan, Ferrol, San Andres, Romblon, Cajidiocan, Magdiwang, at San Fernando, kung saan inaasahang magsisimula ang mga aktibidad sa ikalawang quarter ng taon.

































Discussion about this post