Sugatan ang magkapatid matapos ang isang insidente ng pananaga sa Sitio Baito, Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon dakong 8:50 ng gabi noong Pebrero 3.
Kinilala ng pulisya ang biktima bilang isang 44-anyos na biyudo at laborer, habang ang suspek ay ang kanyang 41-anyos na kapatid na construction worker at residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (MPS), nag-ugat ang insidente sa mainitang pagtatalo na pinalala ng matagal nang alitan ng magkapatid. Ayon sa pulisya, ang suspek ay nasa impluwensya ng alak nang puntahan nito ang nakatatandang kapatid na nagpapahinga sa kanyang bahay, na katabi lamang ng tirahan ng suspek.
Sa gitna ng kanilang komprontasyon, tinanong umano ng biktima ang suspek kung ano ang problema nito, bagay na lalong nagpagalit sa suspek. Agad umanong kumuha ang suspek ng itak na may habang humigit-kumulang 20 pulgada at tinaga ang biktima sa ulo.
Nagawa pang maagaw ng biktima ang itak, na nagresulta sa pag-aagawan at pagkakasugat ng magkabilang panig sa ulo.
Narekober ng pulisya ang ginamit na itak sa pinangyarihan ng insidente at nasa kustodiya na ito ng Odiongan MPS bilang ebidensya.
Agad namang dinala ng mga rumespondeng tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang magkapatid sa Romblon Provincial Hospital kung saan kapwa sila nagpagamot.
Inihahanda na ng Odiongan MPS ang kasong Frustrated Homicide laban sa suspek na isasampa sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Tanggapan ng Piskalya sa Odiongan.


































