Nakatakdang i-host ng bayan ng Santa Fe sa lalawigan ng Romblon ang kauna-unahang music festival sa darating na Abril, na inorganisa ng isang pribadong grupo bilang bahagi ng pagpapalakas ng turismo ngayong tag-init.
Ayon kay Jaja Tumbagahon, lead organizer ng aktibidad, layunin ng festival na makahikayat ng mas maraming turista sa bayan tuwing summer vacation.
“Ito po ay para ma push ‘yung tourism ng Santa Fe para tuwing summer vacation ay maraming pumunta. Kaya i-try namin this year itong festival,” ani Tumbagahon.
Dagdag pa niya, tampok sa aktibidad ang pagdadala ng mga kilalang disc jockey mula sa Metro Manila upang makapaghatid ng kakaibang karanasan sa mga residente at bisita ng bayan.

“Dadalhin po namin ‘yung mga kilalang DJ ng Metro Manila sa Santa Fe para ma-experience ng mga taga jan,” pahayag niya.
Itinuring ni Tumbagahon na makasaysayan ang naturang selebrasyon dahil ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng ganitong uri ng event sa kanilang bayan.
Tatawagin ang aktibidad na “Downtown Music Festival 2026” at target ng mga organizer na gawin itong taunang selebrasyon at posibleng dalhin din sa iba pang bayan sa Romblon upang maging isa sa mga pangunahing highlight ng probinsya.
Inaasahang magbibigay ng dagdag na sigla sa lokal na ekonomiya ang naturang festival sa pamamagitan ng pagdami ng mga turista, pagtaas ng booking sa mga resort at transient houses, at paggalaw ng mga maliliit na negosyo sa Santa Fe sa panahon ng tag-init.

































Discussion about this post