Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahigpit at agarang pagpapatupad ng Anti-Epal policy sa buong bansa, na nag-aatas sa lahat ng local government units (LGUs) at tanggapan ng DILG na alisin ang pangalan, larawan, at iba pang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng pamahalaan sa lahat ng proyektong pinondohan ng gobyerno.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-006, inatasan ang lahat ng opisyal sa antas probinsya, lungsod, munisipyo, at barangay, gayundin ang mga tanggapan ng DILG mula sentral hanggang field offices at mga attached agencies, na tiyaking walang pangalan, litrato, logo, inisyal, color motif, slogan, o anumang simbolong tumutukoy sa isang public official ang makikita sa mga project signage, marker, tarpaulin, at kahalintulad na materyales na ginamitan ng pondo ng bayan.
Ayon sa DILG, ang kautusan ay nakabatay sa probisyon ng 1987 Constitution na nagsasaad na ang panunungkulan sa pamahalaan ay isang public trust, sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at sa mga patakaran ng Commission on Audit na itinuturing na hindi kinakailangang gastusin ang mga personalized na display. Pinalalakas din ito ng 2026 General Appropriations Act na tahasang nagbabawal sa paglalagay ng pangalan at larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Inatasan ang lahat ng kinauukulang opisyal at kawani na agad ipatanggal o itama ang mga hindi sumusunod na materyales. Pananagutin naman ang mga pinuno ng tanggapan sa agarang pagsunod at sa pagpapabatid ng kautusan sa lahat ng yunit na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
Hinimok din ng DILG ang publiko na iulat ang anumang paglabag sa Anti-Epal policy upang masigurong ang mga proyekto ng pamahalaan ay mananatiling para sa serbisyo publiko at hindi para sa personal na promosyon.


































