Nagkaloob ang Department of Agriculture (DA)–MIMAROPA ng ₱1.5 milyong Business Development Assistance Grant sa Romblon State University (RSU) para sa pagtatatag ng CultivateX Hub, isang innovation at support center para sa mga benepisyaryo ng Young Farmers Challenge (YFC) Program at sa mga nagnanais pumasok sa agri-entrepreneurship.
Isinagawa ang turnover ng pondo noong Enero 21, na pangungunahan nina Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Randy Pernia at Romblon Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Analiza Escarilla. Tinanggap naman ng mga opisyal ng RSU, sa pangunguna ni Prof. Eddie G. Fetalvero, Vice President for Research, Extension, Development and Innovation, ang naturang grant.
Ayon sa DA, layon ng CultivateX Hub na magbigay sa mga benepisyaryo ng access sa makabagong kagamitan at makinarya, technical assistance, mentorship, at networking opportunities. Inaasahan ding magsisilbi itong tulay upang maisalin ang mga pananaliksik at inobasyon sa mga produktong pang-agrikultura na handa para sa merkado.
Binigyang-diin ni Pernia na ang grant ay bahagi ng patuloy na suporta ng ahensya sa pagpapaunlad ng mga batang agripreneur at sa pagpapalakas ng mga negosyong nakabatay sa agrikultura sa rehiyon.
Kasabay ng aktibidad, kinilala rin ang mga YFC awardees ng RSU na sina David T. Fadriquel, Marben F. Fetilo, Francis G. Mortos, Ace Aldon M. Asis, at Mark Lambert Fornea, na magsisilbing unang benepisyaryo ng hub.
Sinabi ni Fadriquel, may-ari ng Tropin at YFC 2024 provincial at regional awardee, na inaasahang makikinabang sa proyekto hindi lamang ang kasalukuyang mga awardee kundi pati ang mga susunod pang mag-aaral ng unibersidad, lalo na sa paggamit ng mga makinarya at sa pagbuo ng mga bagong enterprise at produkto sa pakikipagtulungan sa RSU. (PR)


































