Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na awtomatikong makikinabang sa subsidiya sa kuryente ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na may mababang konsumo ng kuryente bawat buwan.
Ayon sa Pangulo, ipatutupad na ngayong buwan ang automatic registration ng mga 4Ps beneficiaries sa Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP) sa pakikipagtulungan ng mga distribution utilities. Layunin nitong mapadali ang pagkuha ng diskuwento sa kuryente para sa mga mahihirap at marginalized na pamilya.
Sa ilalim ng bagong patakaran, ang mga benepisyaryo ng 4Ps na may buwanang konsumo na 50 kilowatt-hour (kWh) o mas mababa ay makatatanggap ng 100 porsiyentong diskuwento sa kanilang bayarin sa kuryente.
Sinabi ng Pangulo na matagal nang hindi lubos na napapakinabangan ang LRSP dahil sa komplikadong requirements. Hanggang Nobyembre 2025, nasa humigit-kumulang 334,000 pa lamang ang rehistradong konsumer sa programa, katumbas ng halos 11 porsiyento ng tinatayang tatlong milyong 4Ps beneficiaries.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang layunin ng pamahalaan ay gawing mas abot-kaya at mas madaling makuha ang kuryente para sa mga Pilipino, at hindi na kailangang habulin pa ng mamamayan ang tulong.

































Discussion about this post