Magkakaloob ng ₱500,000 tulong pinansyal ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa lalawigan ng Romblon bilang bahagi ng ayuda nito sa mga lugar na labis na naapektuhan ng Bagyong Opong.
Ayon sa ulat mula sa Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Council (VCDRRMC), ang pondo ay kukunin mula sa Quick Response Fund (QRF) ng lungsod upang makatulong sa muling pagbangon ng mga residente ng Romblon na nawalan ng tirahan, kabuhayan, at ari-arian matapos manalasa ang bagyo noong Setyembre.
Itinakda ng Valenzuela City Council ang tulong sa pamamagitan ng isang ordinansa na nagbibigay ng awtorisasyon sa pamahalaang lungsod na magbigay ng pinansyal na suporta sa mga lalawigang tinamaan ng kalamidad, kabilang ang Romblon, na kabilang sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity matapos ang malawakang pinsala ng bagyo.
Kasabay ng tulong pinansyal, patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng Valenzuela City at lokal na pamahalaan ng Romblon para sa posibleng pagpapadala ng karagdagang tulong o in-kind donations sa mga apektadong pamilya.
Samantala, magbibigay din ng tulong ang Valenzuela City sa iba pang mga lalawigang tinamaan ng kalamidad, kabilang ang Masbate (₱3.4 milyon), Oriental Mindoro (₱500,000), Biliran (₱500,000), Calbayog City (₱500,000), at Cebu City (₱2.8 milyon) na naapektuhan ng 6.7-magnitude na lindol.




































