Humiling ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa ilang kasalukuyan at dating opisyal ng pamahalaan, kabilang si Romblon Congressman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyekto sa flood control sa bansa.
Ang ILBO ay isang kautusan na iniaatas sa mga immigration officer na bantayang mabuti ang biyahe o pag-alis ng bansa ng mga taong sakop ng imbestigasyon, at agad ipaalam sa DOJ kung may pagtatangkang umalis ang mga ito.
Kabilang sa mga pinangalanan sa kahilingan ng ICI ang mga mambabatas at dating opisyal ng pamahalaan tulad nina dating Senate President Francis Escudero, dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, at dating Senators Ramon “Bong” Revilla Jr. at Nancy Binay.
Kasama rin sa listahan sina Representatives Roman Romulo, James “Jojo” Ang, Juan Carlos “Arjo” Atayde, Nicanor “Nikki” Briones, Marcelino “Marcy” Teodoro, Florida “Rida” Robes, Benjamin Agarao, Leody Tarriela, Reynante Arrogancia, Teodorico Haresco Jr., Antonieta Eudela, Dean Asistio, at Marivic Co-Pilar, gayundin sina dating Representatives Marvin Rillo at Florencio Noel.
Kabilang din sa mga tinukoy ng ICI sina Commission on Audit Commissioner Mario Lipana at ang asawa nitong Marilou Laurio-Lipana, Department of Education Undersecretary Trygve Olaivar, at mga District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Loida “Bogs” Magalong, Ramon Devanadera, Johnny Protesta Jr., at Arturo Gonzales Jr. Kasama rin sa listahan ang mga pribadong indibidwal na sina Carlene Villa at Maynard Ngu.
Sa liham ng ICI sa DOJ, sinabi ng komisyon na ang mga naturang personalidad ay “may kaugnayan o posisyong may kinalaman sa mga isinasagawang proyekto” kaya’t mahalagang isailalim sa lookout bulletin habang nagpapatuloy ang fact-finding investigation.
“The timely issuance of an ILBO is of utmost necessity to enable the commission to proceed without delay and to hold those liable accountable to the Filipino people,” ayon sa pahayag ng ICI.
Hiniling din ng komisyon sa Bureau of Immigration (BI) na agad ipaalam sa ICI at iba pang ahensya ng gobyerno ang anumang impormasyon kaugnay ng posibleng pagbiyahe palabas ng bansa ng mga personalidad na nasa listahan.
Discussion about this post