Buo ang suporta ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic sa panukalang batas ni Senator Bam Aquino na Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Bill, na layong tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa at palakasin ang akses ng mga kabataan sa de-kalidad na edukasyon.
Ayon kay Gov. Fabic, malinaw sa karanasan ng Romblon na ang edukasyon ang pundasyon ng pag-unlad, ngunit aminado rin siyang marami pa ring kabataang Romblomanon ang nahihirapan makapasok sa paaralan, lalo na yaong nakatira sa mga isla at liblib na barangay, dahil sa kakulangan ng mga pasilidad.
“Dahil dito, suportado natin ang CAP Act ni Senator Bam Aquino. Ang bawat hakbang tungo sa mas inklusibong edukasyon ay hakbang din tungo sa mas maunlad at pantay na kinabukasan para sa ating lalawigan,” pahayag ni Fabic.
Dagdag pa ng gobernadora, sa pamamagitan ng CAP Act, mabibigyan ng mas patas na pagkakataon ang bawat batang Pilipino, lalo na sa mga probinsya tulad ng Romblon, na matuto, makapasok sa paaralan, at mangarap para sa mas magandang kinabukasan.
Ang Classroom-Building Acceleration Program Bill ay naglalayong pabilisin ang pagtatayo at rehabilitasyon ng mga silid-aralan sa buong bansa upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa edukasyon. Layunin nitong tiyakin na walang batang Pilipino ang mapag-iiwanan dahil lamang sa kakulangan ng pasilidad o paaralan.
Sa Romblon, sinabi ni Gov. Fabic na ang pagpapaigting sa edukasyon ay isa sa mga pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan bilang bahagi ng pangmatagalang pag-unlad ng lalawigan.




































Discussion about this post