Malapit nang buksan sa mga mountaineers at adventure enthusiasts ang bagong Cajidiocan trail na paakyat ng Mt. Guiting-Guiting, isa sa pinakakilalang bundok sa bansa na tanyag dahil sa hamon at ganda ng tanawin nito.
Ayon kay Cajidiocan Mayor Greggy Ramos, matagumpay nang na-traverse ng mga mountaineer ang bubuksang trail na dumadaan sa bayan ng Cajidiocan. Aniya, ito ang magiging ikatlong trail patungong Mt. Guiting-Guiting, bukod sa Olango trail sa San Fernando at Magdiwang trail, na siyang karaniwang daanan ng mga umaakyat sa bundok.
“Successful na pong na-traverse ‘yung bubuksang Cajidiocan trail going to Mt. Guiting-Guiting. Usually, dalawang trail pa lang ang nadadaanan — ‘yung Olango trail sa San Fernando at ‘yung Magdiwang trail na laging pinapasukan at nilalabasan ng mga gustong mag-hike,” ani Mayor Ramos.
Inilarawan ni Ramos na mas teknikal at hamon ang bagong ruta kumpara sa Magdiwang trail, batay sa karanasan ng mga mountaineer na una nang nagtungo rito.
“According to the mountaineers, technical mountaineering ito, mas mahirap compared doon sa Magdiwang trail kasi dadaan sila doon sa ‘saw-toothed’,” paliwanag pa ng alkalde.
Dagdag pa niya, bukod sa pagiging mas challenging na ruta, tampok din sa Cajidiocan trail ang mga bagong tanawin at likas na yaman na tiyak na magugustuhan ng mga bisita.
“Nakita ko na ‘yung video at maganda ang nakikita nating mga sights at views. Ang kakaiba dito kasi, maliban sa adventure sa hiking, marami rin silang mararaanan na magagandang spots,” ani Ramos.
Kabilang umano sa mga ito ang mga talon, batong mala-sculpture, at mga lugar na may panoramic view ng karagatan at kabundukan ng Sibuyan Island. Dahil dito, nakikita ng lokal na pamahalaan ang malaking potensyal ng trail na ito na maging bagong eco-tourism attraction sa lalawigan.
Ayon kay Ramos, kasalukuyan nang pinaplantsa ng LGU Cajidiocan ang mga hakbang para sa opisyal na pagbubukas ng trail sa publiko.
Kapag tuluyang nabuksan, inaasahan ni Mayor Ramos na makatutulong ito sa pagpapasigla ng lokal na turismo at sa kabuhayan ng mga residente sa Cajidiocan, lalo na ang mga tour guide, porter, at mga negosyong nakapalibot sa bundok.




































