Target ng Lokal na Pamahalaan ng Cajidiocan na ipakilala ang kanilang bayan bilang bagong sports at adventure tourism destination sa Sibuyan Island, kasabay ng mga hakbang ng LGU na paigtingin ang turismo matapos ang pananalasa ng Bagyong Opong.
Ayon kay Mayor Greggy Ramos, bago pa man tumama ang bagyo, nakaplano na umano ang mga programa ng LGU para sa turismo na layuning maisama ang Cajidiocan sa mga pangunahing destinasyon sa lalawigan.
“Bago ‘yung bagyong Opong, marami na tayong pinaplano tungkol sa turismo dito sa Cajidiocan. Alam naman natin na ang Sibuyan ay kilala na isa sa mga tourists destination dito sa Romblon — nandiyan ang Cresta de Gallo, ang Cantingas, at Mt. Guiting-Guiting,” pahayag ni Ramos.
Gayunman, aminado ang alkalde na kadalasan ay hindi pa nasasama ang Cajidiocan sa mga itinerary ng mga bumibisita sa Sibuyan Island, kaya’t ngayong taon ay mas tututukan nila ang pagbuo ng mga kakaibang karanasang magdadala ng mga turista sa kanilang bayan.
“Ganun pa man, parang hindi naisasama ang Cajidiocan sa mga itinerary pag gustong pumasyal sa Sibuyan kaya ngayong taon at sa mga susunod na taon ay naka-focus kami sa mga tourism activities na hindi common sa ibang bayan,” ani Ramos.
Binanggit din ng alkalde na sports tourism at adventure tourism ang magiging pangunahing direksyon ng kanilang mga programa sa turismo.
“Naka-focus tayo ngayon sa mga sports tourism, pupuntahan ng mga tao dito kasi gusto nilang maglaro, naka-focus sila sa sports-related activities at sa adventure tourism,” dagdag niya.
Kabilang sa mga isinusulong ng LGU ang pagbili ng mga all-terrain vehicles (ATVs) upang gawing ATV destination ang bayan ng Cajidiocan. Plano rin ng lokal na pamahalaan na maglunsad ng mga aktibidad gaya ng trail adventures, hiking events, at off-road challenges na maaaring pagdausan ng mga lokal at internasyonal na kalahok.
Ayon kay Ramos, naniniwala ang LGU na sa pamamagitan ng mga ganitong programa, mapapaunlad hindi lamang ang turismo kundi pati ang kabuhayan ng mga residente, lalo na ang mga kabataang mahilig sa sports at mga negosyanteng may kaugnayan sa turismo.




































