Nagsagawa ng joint greyhound operation ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)–Romblon District Jail katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG)–Romblon kahapon, Oktubre 22, bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaligtasan, kaayusan, at disiplina sa loob ng pasilidad.
Sa naturang operasyon na ginamitan ng K9 units mula sa Coast Guard, isinailalim sa masusing inspeksyon ang lahat ng 105 Persons Deprived of Liberty (PDLs) na nasa kustodiya ng BJMP upang maiwasan ang pagpasok ng ipinagbabawal na gamot, kontrabando, at iba pang bawal na kagamitan sa loob ng kulungan.
Ayon kay Jail Officer 3 Joefrie Anglo, tagapagsalita ng BJMP MIMAROPA, ang aktibidad ay nagpapakita ng patuloy na pagtutok ng ahensya sa pagpapanatili ng ligtas, makatao, at drug-free na correctional facility sa pamamagitan ng mahigpit na pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan.
“Through these greyhound operations, we ensure that our facilities remain secure while safeguarding the rights and welfare of our PDLs,” ayon kay Anglo.
“We extend our gratitude to our partners from the Philippine Coast Guard for their continued support in promoting a peaceful and orderly jail system,” dagdag pa nito.
Walang nakuhang illegal items sa isinagawang inspeksyon, bagay na nagpapatunay sa mahigpit na pagsunod ng pasilidad sa mga pamantayan ng BJMP ukol sa custodial management at seguridad.
Ang BJMP ay regular na nagsasagawa ng mga greyhound operation sa iba’t ibang kulungan sa bansa bilang proactive na hakbang upang palakasin ang seguridad, disiplina, at maipatupad ang makataong pamamalakad sa mga correctional facility. (PR)
Discussion about this post