Nais ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon na muling maibalik sa pamamahala ng Department of Health (DOH) ang Romblon Provincial Hospital (RPH) sa bayan ng Odiongan.
Ito ay matapos magpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na humihiling kay Congressman Eleandro Jesus Madrona, kinatawan ng Lone District ng Romblon, na magsumite ng panukalang batas sa Kamara para sa re-nationalization ng ospital.
Ang resolusyon ay inakda ni Board Member Natalio Beltran III at co-authored ng ilang kasapi ng mayorya.
Kaugnay nito, naglabas din ng isa pang resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na humihiling sa DOH na suportahan ang ihahaing panukalang batas ni Madrona para sa muling pagsasailalim ng RPH sa pambansang pamahalaan.
Suportado ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang hakbang na ito. Sa kasalukuyan, ang Pamahalaang Panlalawigan ang siyang nagpapatakbo ng nasabing ospital.
Aniya, kapag naisakatuparan ang re-nationalization, ang RPH ay makatatanggap ng mas malaking pondo mula sa DOH. Samantala, ang kasalukuyang pondo ng pamahalaang panlalawigan para sa RPH ay maaari nang mailaan sa iba pang mga ospital sa lalawigan.



































