Sugatan ang isang menor de edad matapos masaksak sa labas ng isang bar sa Odiongan, Romblon nitong madaling araw ng Sabado, Agosto 30.
Batay sa ulat ng pulisya, nakikipag-inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa loob ng naturang bar nang hamunin siya ng suspek sa suntukan.
Paglabas ng dalawa, bigla umanong sinaksak ng suspek ang biktima sa kamay bago tumakas patungo sa hindi pa matukoy na lugar.
Agad na isinugod ang biktima sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng lunas, habang kinilala na ng mga awtoridad ang suspek at nagsasagawa ng follow-up operation.
Samantala, iniimbestigahan pa ng pulisya kung paano nakapasok sa bar ang biktima sa kabila ng pagiging menor de edad nito.



































