Nakakuha ng iba't ibang proyekto sa lalawigan ng Romblon mula pa noong 2016 ang mga contractor na nauugnay sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, batay sa data mula sa Project and Contract Management Application (PCMA) ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa talaan, umaabot sa higit PHP 5.7 bilyon mula 2016 hanggang 2025 ang napanalunan ng mga firms ng pamilya Discaya.
Kasama sa mga kumpanyang ito ang St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Development Corp., St. Timothy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp., YPR Gen. Contractor and Construction Supply Inc., Amethyst Horizon Builders and Gen. Contractor and Development Corp., Great Pacific Builders and Gen. Contractor Inc., at St. Matthew Gen. Contractor & Development Corp.
Ang mga kontratistang ito ay nagsagawa ng mga proyekto tulad ng Coastal Roads, Riverside Protection Structures, at mga rehabilitasyon ng mga nasirang kalsada sa mga kritikal na lugar.
May mga proyekto rin na isinagawa sa pamamagitan ng joint venture sa dalawang lokal na kontraktor sa lalawigan.

Dahil sa mga natuklasang paglabag, ang ilang firm ng pamilya Discaya ay tinanggalan na ng lisensya ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).
Karamihan sa mga proyekto ay natapos na, ngunit may ilang on-going projects pa rin sa Romblon.
Kabilang sa mga ito ang Rehabilitation of Flood Control Structures along Cambijang Bridge, Cajidocan, na isinasagawa ng St. Timothy Construction Corporation sa halagang PHP 142.6 milyon, at inaasahang matatapos sa susunod na taon. Ang Construction of Road in Barangay Libertad, Odiongan, na pinapatupad rin ng St. Timothy, ay may halaga na PHP 55 milyon at matatapos ngayong taon. Ang Construction of Flood Mitigation Structures along Parpagoha River, Tablas Island ay pinatatupad ng YPR Gen. Contractor and Construction Supply Inc., na may kontrata na PHP 289.5 milyon, at inaasahang matatapos rin ngayong taon. Samantala, ang Construction of Riverside Protection Structures along San Fernando, Sibuyan Island, na isinasagawa rin ng YPR, ay may kabuuang halaga na PHP 247.5 milyon at matatapos sa susunod na taon.
Ang mga ongoing projects na ito ay patuloy na isinasagawa ng mga kontratistang nabanggit, at inaasahang makakatulong sa pagpapabuti ng flood resilience ng mga komunidad sa mga apektadong lugar.
Sa pagsusuri ng mga proyekto mula 2016 hanggang 2025, lumalabas na ang 2022 ang taon na may pinakamataas na bilang ng proyekto, kung saan maraming flood control at infrastructure projects ang isinagawa. Ang kabuuang halaga ng mga proyekto sa taong ito ay lumampas sa PHP 1 bilyon, kasama ang mga malalaking proyekto tulad ng Rehabilitation of National Roads at Coastal Roads, na naglalayong magbigay ng proteksyon laban sa kalamidad.
Batay sa talaan, ang taon na may pinakamaraming proyekto ay 2017, kung saan naitala ang 10 proyekto ng DPWH, karamihan ay mga rehabilitasyon ng kalsada at flood control structures.
Ang 2023 naman ang taon na may pinakamalaking halaga ng kontrata, na umaabot sa PHP 289.5 milyon ang isang proyekto, kabilang ang Coastal Roads at Riverside Protection Structures sa Sibuyan Island.
Ang pamilya Discaya ay nahaharap sa imbestigasyon dahil sa ilang kwestyunabling mga proyekto sa iba't ibang bahagi ng bansa.



































