Isinagawa nina Vice Mayor Butchoy Arevalo at ilang opisyal ng bayan ang inspeksyon nitong Lunes sa mga kanal at estero sa Poblacion, matapos ang naranasang pagbaha ng naranasan sa lugar noong Agosto 30. Layunin nila na matukoy ang mga kailangang aksyon para mas mapabuti ang daloy ng tubig-ulan at maiwasan ang muling pagbaha.
Sa kanilang pag-ikot, napansin ng grupo na may mga makikitid na kanal at ilang bahagi ng estero na barado ng lupa at basura. Gayunman, positibong tinanggap ng mga opisyal ang pagkakataon upang agad na makapagsagawa ng mga hakbang.
Ayon kay Arevalo, magsisimula ang lokal na pamahalaan ng declogging operations upang mapabilis ang pag-agos ng tubig at mapanatiling ligtas ang mga residente.

“Agad nating sisimulan ang paglilinis bilang pansamantalang solusyon, habang tinatrabaho natin ang pangmatagalang lunas para tuluyang maresolba ang problema,” ani Arevalo.
Kasabay nito, nakatakda ring makipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para ayusin ang kanal sa Barangay Tabin-dagat. Inaasahan na makatutulong ito nang malaki sa pagbawas ng baha sa naturang lugar.
Nanawagan din si Arevalo sa publiko na makiisa sa pagsusumikap ng pamahalaan sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura.




































