Sa kasalukuyang panahon, hindi na maikakaila ang malawakang anomalya sa mga flood control projects ng DPWH—“ghost projects,” substandard na konstruksyon, at malalaking pondo na tila nawawala sa hangin.
Ayon sa mga imbestigasyon ng Kongreso at Senado, pati na rin sa mga kredibleng ulat ng media, milyong pisong proyekto ay hindi natatapos o hindi talaga naisasagawa habang ang pambansang budget para dito ay umaabot sa daan-daang bilyong piso.
Itong masalimuot na problema ay hindi lang isyu ng mga matataas na opisyal—ang totoong problema ay nasa antas mismo ng Section Chief at Bids and Awards Committee (BAC). Ito ang mga taong unang humahawak sa bawat proyekto: pumipili ng kontratista, nagmamanman sa bidding process, at nag-o-oversight sa implementasyon.
Kung ang balasahan ay hanggang sa Undersecretary or District Engineer lang, hindi mawawala ang ugat ng katiwalian.
Ang lumalabas sa Senado, ayon kay Sen. Lacson, ay isang sistema kung saan ang district engineers mismo ang nagsisilbing “bagman” ng contractors at lawmakers—isang seryosong problema sa checks and balances.
Kung bakit dapat umabot ang balasahan hanggang Section Chief at BAC, malinaw: sila ang frontline ng katiwalian. Sila ang unang dumadaanan ang proyekto mula proposal hanggang award, at kung sila mismo ang compromised, hindi mawawala ang anomalya. Ang BAC ang nagtitiyak ng fairness at integridad ng bidding, habang ang Section Chief ang nagpapatupad ng teknikal na bahagi.
Sila ang pinakamahigpit na checkpoint laban sa ghost works. Kaya nga dapat ang solusyon ay hindi simpleng bandaid lang, kundi surgical fix na tatama mismo sa ugat ng problema, gaya ng panawagan ni Sen. Lacson para sa sistemikong reporma.
Kung tunay ang layunin ng pamahalaan na labanan ang katiwalian at protektahan ang public funds, hindi sapat na palusutin lang ang mataas na opisyal.
Kailangan ng realignment ng sistema at pananagutan ng mga nasa frontline.