Inihayag ng Starlite Ferries, Inc., subsidiary ng Chelsea Logistics, na ilulunsad nila sa Nobyembre 2025 ang pinakabagong barko na M/V Starlite Resilience, isang 67.6-meter Bed/Seat RoRo Type Passenger Ferry na gawa sa Japan.
Ang naturang barko ay nadagdagan sa kasalukuyang fleet ng kompanya na binubuo ng 20 vessels. Kabilang sa inaprubahan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang pioneering route ng M/V Starlite Resilience: Roxas, Mindoro – Caticlan – Odiongan – Batangas – Romblon, Romblon – Magdiwang, Romblon – Culasi, Roxas at pabalik.
Ayon kay Chelsea Logistics President & CEO Chryss Alfonsus Damuy, magtatakda umano ng bagong pamantayan ang paglalayag ng barko sa ruta dahil tanging brand-new ships lamang ang maaaring gamitin ng mga shipping operators na may pioneering status.
Dagdag ni Starlite Ferries General Manager Shane Anthony Arante, layunin ng kanilang bagong barko na maghatid ng mas ligtas, mas maayos, at mas maaasahang biyahe. Mayroon din itong mas fuel-efficient system na makatutulong upang mabawasan ang epekto sa kapaligiran.
Ang Chelsea Group, sa pamamagitan ng Starlite Ferries at iba pang subsidiary nito, ay patuloy na sumusuporta sa Maritime Industry Development Plan ng MARINA, na nakatuon sa modernisasyon ng domestic shipping industry.




































