Kinumpirma ng Office of the Civil Defense (OCD) na may isang nasawi at pito pa ang nasugatan bilang resulta ng epekto ng Super Typhoon Nando at habagat sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD spokesperson Diego Mariano, sinabi nito na ang isang indibidwal ay nasawi dahil sa landslide na naganap sa Benguet. Ayon sa opisyal, may nakahandang mga rescuer para sa posibleng search and rescue operations sa mga lugar na naka-isolate.
Sa kasalukuyan, tinatayang apektado ang mahigit 159,000 indibidwal o halos 43,500 na pamilya. Sa bilang na ito, tinatayang hanggang 5,000 pamilya ang napilitan na lumikas at inilipat sa mga evacuation centers upang iwasan ang panganib.
Base sa pinakahuling assessment ng ahensya, 38 lugar sa bansa ang nawalan ng suplay ng kuryente.
Samantala, bagamat wala pang natatanggap na ulat ukol sa mga apektadong linya ng komunikasyon, patuloy ang kanilang pagsusuri upang matukoy kung may mga nasirang kagamitan.
Magkasabay nito, tuloy-tuloy ang pagtutulungan ng OCD sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng tulong at relief aid sa mga nasalanta ng bagyo. Ayon kay Mariano, may nakahandang mga family food packs na inandahan ilang araw bago pa man tumama ang bagyo sa bansa. Tiniyak niya rin na walang kakulangan sa supply ng mga relief aid na ipamamahagi.