Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang bakas ng oil spill ang nakita sa Sibuyan Sea matapos ang paglubog ng landing craft transport (LCT) na barkong San Juan Bautista malapit sa Cresta de Gallo sa Romblon.
Ayon kay Commander Sean Jayner Cabral ng Coast Guard Romblon, nagsagawa ngayong araw, July 1, ng aerial inspection ang Marine Environmental Protection Team ng PCG sa lugar ng insidente.
Pasado alas-9 ng umaga nang dumating ang eroplano ng Coast Guard upang suriin ang paligid ng Cresta de Gallo.
Ang barko ay may kargang 2,500 litro ng diesel oil at naglalayag mula Guihulngan Port, Negros Oriental patungong Navotas nang lumubog kahapon.
Ipinaliwanag ni Cabral na mababa ang posibilidad ng pagkalat ng langis dahil ang diesel oil ay mabilis matunaw sa salt water bilang isang light petroleum product. Dagdag pa niya, hindi rin direkta ang daloy ng alon patungo sa Cresta de Gallo sa kasalukuyang kondisyon ng panahon.
Inaasahan ng PCG na magsasagawa pa ng karagdagang inspeksyon kapag gumanda ang lagay ng panahon sa lugar.


































