Ipinasa nitong July 14 ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang isang resolusyon na nagsasaad ng kanilang matinding pagtutol sa panukalang itaas mula P30 hanggang P100 ang passenger terminal fee sa Batangas Port na isinusulong ng Asian Terminals Inc.–Batangas (ATIB).
Sa kanilang ipinasa na resolusyon, binigyang-diin ng SB Odiongan na ang Batangas Port ay mahalagang transportasyon hub para sa mga residente ng Odiongan at buong lalawigan ng Romblon, lalo na para sa mga manggagawa, mag-aaral, at mga mamamayang salat sa kita na umaasa sa abot-kayang biyahe papunta at pabalik ng Luzon.
Ayon sa konseho, ang biglaang pagtaas ng singil ay magpapabigat sa gastusin ng mga pasahero at lalong makakaapekto sa mga low-income at marginalized sectors.
Dagdag pa nila, posibleng mabawasan ang paggamit ng Batangas Port na makakaapekto rin sa turismo, komersiyo, at ekonomiya ng rehiyon na umaasa sa maayos at abot-kayang transportasyon.
Tinukoy rin sa resolusyon na walang naging makabuluhang konsultasyon ang ATIB sa lokal na pamahalaan at mga pasahero bago ipanukala ang pagtaas ng singil.
Hinikayat ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang ATIB, MARINA, at iba pang ahensya na muling pag-aralan ang hakbang na ito at makipag-usap sa mga pasahero, lokal na komunidad, at iba pang stakeholders.
Nanawagan din sila na humanap ng ibang paraan para mapaganda ang serbisyo sa pantalan nang hindi pinapasan ng sobrang bigat na gastos ang mga pasahero, lalo na ang mahihirap.




































