Ipinahayag ni Mayor Roger Fodra na ang pangunahing tututukan ng kanyang administrasyon ay ang matagal nang problema sa kakulangan ng water supply sa bayan ng Odiongan, lalo na tuwing panahon ng tag-init.
Sa isang panayam nitong July 2, sinabi ni Mayor Fodra na bago pa man siya pormal na manungkulan, nakipagpulong na siya sa pamunuan ng Odiongan Water District (OWD) upang alamin ang ugat ng problema kung bakit mahina ang supply ng tubig sa Poblacion.
Ayon kay Fodra, natukoy na ang pangunahing dahilan ay ang kakulangan ng tubig mula sa kasalukuyang water source sa Barangay Rizal.
Ibinahagi rin ni Mayor Fodra na kasama sa mga tinitingnang solusyon ay ang pagsasaayos ng mga pipeline mula sa water source patungo sa Poblacion upang mapalakas ang daloy ng tubig.
Dagdag niya, may bagong water source din sa Barangay Rizal na tinatrabaho na ng OWD at ng lokal na pamahalaan upang mapakinabangan.
Bilang bahagi ng kanyang plano, aatasan din niya ang mga opisyal ng barangay na maghanap ng sarili nilang maayos na water source para matiyak na lahat ng barangay sa Odiongan ay magkakaroon ng sapat at maayos na suplay ng tubig.
“We can't do these things overnight but definitely we will act on this step by step,” pahayag ng alkalde.
Bukas rin aniya ang lokal na pamahalaan sa posibilidad na makipagpartner sa mga pribadong sektor upang masolusyunan ang problema, ngunit tanging kung hindi na kakayanin ng lokal na pamahalaan ang magiging gastos o proyekto.
































