Maraming mga legal exeprt ang nagsasabi na walang kwenta at pawang pampulitikang palabas lamang ang Senate Resolution na inihain at isinusulong ng ilang senador na naglalayong mailagay si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa house arrest sa The Hague habang kinahaharap niya ang mga kasong isinusulong laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Una, walang legal na kapangyarihan ang Senado ng Pilipinas na ipatupad ang house arrest sa isang indibidwal na nasa ilalim ng imbestigasyon o saklaw ng isang dayuhang hukuman gaya ng ICC. Ang mga ganyang hakbang ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng korte at ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas — hindi ng mga mambabatas. Kaya’t malinaw na ang resolusyon ay hindi obligadong sundin o ipatupad, kundi isang pahayag lamang ng opinyon ng ilang senador.
Pangalawa, tila ba ginamit lamang ang resolusyong ito upang makapuntos sa pulitika, lalo na sa harap at paningin ng mga tinaguriang DDS upang magpakita ng matindi at solidong suporta sa dating pangulo. Sabagay, ang mga nasabing senador ay obvious namang kapit-tuko kay Duterte. Hindi man natin sinasabing walang batayan ang mga akusasyon laban sa dating Pangulo, ang mismong mungkahi na house arrest sa ibang bansa — at hindi dito sa Pilipinas — ay hindi makatotohanan, at para bang layuning mapahiya lamang siya sa internasyonal na entablado.
Pangatlo, kung tunay na layunin ng mga senador ang hustisya, dapat ay sinusuportahan nila ang maayos at tamang proseso ng batas — hayaan ang ICC at ang mga korte ng Pilipinas ang magdesisyon sa isyung ito. Ang paglalabas ng isang resolusyong walang ngipin at halatang emosyonal ang pinagmulan ay hindi nakatutulong sa pag-unlad ng hustisya sa bansa.
Samantala, isang panukalang batas naman ang inihain ng pang senadora na kung tawagin ay “President Rodrigo R. Duterte Act” — isang kontrobersyal na hakbang na layong kriminalisahin ang tinatawag na extraordinary rendition. Sa madaling sabi, ito ang proseso ng pag-aresto, pagdidiin, at paglilipat sa isang indibidwal patungong ibang hurisdiksyon nang walang lokal na warrant o pahintulot, lalo na kung walang umiiral na kasunduang tratado sa pagitan ng Pilipinas at ng bansang o institusyong humihiling.
Sa ilalim ng panukalang ito, bawal na ang anumang kooperasyon ng pamahalaan sa isang dayuhang korte o tribunal — gaya ng International Criminal Court (ICC) — kung wala umanong malinaw na pagsang-ayon mula sa Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, at mismong taong inaakusahan. Kung sakaling may lumabag, maaari silang makulong ng anim (6) hanggang dalawampung (20) taon at pagmumultahin ng hanggang sampung milyong piso (₱10 milyon).
Sa panig ni Senator Marcos, ang batas na ito ay reaksyon sa nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, ang ginagawang aksyon ng ICC ay isang uri ng “extraordinary rendition” — sapilitang pagtatangka na dakpin at ilitis si Duterte sa labas ng bansa nang hindi dumadaan sa hustisyang Pilipino. Layunin ng panukala, ayon sa kanya, na maiwasan itong mangyari sa sinumang mamamayang Pilipino sa hinaharap.
Ngunit hindi ito pinalampas ng mga legal na eksperto.
Ayon kay Atty. Neri Colmenares, isang kilalang human rights lawyer, walang basehan ang panukalang ito kung ang layunin ay pigilan ang aksyon ng ICC. Ipinaliwanag niya na kahit umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute, nananatili pa rin ang obligasyon ng bansa na makipagtulungan sa mga imbestigasyong isinampa habang miyembro pa tayo ng ICC. At may lokal din tayong batas—Republic Act No. 9851—na nagbibigay bisa sa partisipasyon ng Pilipinas sa mga internasyonal na korte.
Binigyang-diin din niya ang Section 17 ng RA 9851: kung ang isang indibidwal ay may kasong kinakaharap sa isang lehitimong internasyonal na tribunal, maaaring ipagkaloob ang kaniyang pag-turnover para sa interes ng katarungan. Hindi ito simpleng pakikialam ng banyagang institusyon, kundi bahagi ng global na pagkilala sa mga karapatang pantao at pananagutan.
Sa madaling salita, may legal na batayan ang ICC arrest warrant. Ang pagsasabatas ng Duterte Act ay tila isang pagtatangkang hadlangan ang pagkamit ng hustisya sa pamamagitan ng pagbabakod sa isang pinuno mula sa pananagutan.
Ang tanong ngayon: batas ba ito na may silbi para sa bansa? O isa lamang itong pananggalang sa iilang tao na takot maharap sa mga kasalanang pinaniniwalaang kanilang nagawa?