Nagsagawa ng libreng medical, dental, nutrition, at optical mission para sa mga mag-aaral, magulang, at mga guro ng mga paaralang IP (Indigenous Peoples) sa mga bayan ng Cajidiocan at San Fernando, Sibuyan Island, Romblon kamakailan.
Ang aktibidad ay isinagawa sa pangunguna ng Compassion in Action Charity Organization, katuwang ang Department of Education (DepEd) Romblon at DepEd MIMAROPA Region.
Layunin ng programa na matugunan ang pangunahing pangangailangang pangkalusugan ng mga mag-aaral, kanilang mga magulang, at guro, sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng serbisyong medikal, dental, nutrisyonal, at optikal.
Ayon kay Schools Division Superintendent Roger Capa, mahalaga ang ganitong aktibidad upang masiguro na ang mga mag-aaral at guro ay mas malusog at mas handa sa pagharap sa mga hamon sa edukasyon at pang-araw-araw na buhay.
Matatandaang noong nakaraang taon ay naisagawa rin ang isang libreng medical, dental, at optical mission para sa mga guro ng lalawigan bilang bahagi ng Division Teacher’s Day Celebration, sa pakikipagtulungan sa Anakalusugan Partylist, Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, at Lab for All Program ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Binigyang-diin ng DepEd Romblon ang patuloy na pakikipagtulungan sa iba’t ibang grupo at organisasyon upang matiyak ang kalusugan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral sa lalawigan.




































