Namahagi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Odiongan at sa Ambagan PH, ng 1,000 “ChariTimba” (charity pail) kits para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) sa bayan ng Odiongan nitong Martes, Mayo 27.
Ang bawat kit ay naglalaman ng bigas, de-lata, at instant noodles.
Ayon kay PCSO Director Janet De Leon-Mercado, bagama’t 1,000 lamang ang nabigyan ng ayuda sa pamamahaging ito, bukas pa rin ang kanilang opisina sa Odiongan para tumanggap ng mga nangangailangan ng tulong, lalo na sa pinansyal na suporta para sa pagpapagamot.
“Ang pagbisita po namin dito ay hindi para sa bakasyon, kundi para maghatid ng tulong,” ani Mercado sa naturang aktibidad.
Dagdag pa niya, bahagi ang pamimigay ng kits ng pagsunod ng PCSO sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dalhin ang serbisyo ng pamahalaan direkta sa mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Ang mga balde pong ito ay simbolo ng tulong mula sa PCSO para sa lalawigan ng Romblon,” saad ni Mercado.
Hinikayat din niya ang publiko na patuloy na suportahan ang mga laro ng PCSO gaya ng Small Town Lottery at Lotto, dahil dito nanggagaling ang pondo para sa kanilang mga makataong programa.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga nakatanggap ng ayuda sa pamahalaan.
“Maraming salamat po. Magagamit po namin ito sa bahay. Malaking tulong na po ito sa amin,” ayon sa senior citizen na si Mayoneta Malunes sa panayam ng PIA Romblon.
“Malaking tulong po ito sa amin dahil wala po akong trabaho. Diabetic po ako kaya hindi na ako nakakapagtrabaho. Pumila po talaga ako para lang makakuha ng ayuda,” pahayag naman ni Carlito Nietro, isa ring senior citizen.
Nagpaabot rin ng pasasalamat si Rodrigo Artificio Jr. kay Pangulong Bongbong Marcos, aniya, makikinabang ang kanyang pamilya sa ayuda lalo’t wala na silang bigas sa bahay.
Bukod sa pamamahagi ng ChariTimba kits, nagsagawa rin ang PCSO ng medical at dental caravan na nakinabang ang humigit-kumulang 250 residente mula sa Tablas Island.


































